Kabuhayan at Katarungang Panlipunan, Ipaglaban!

Sahod | Trabaho | Lupa | Pabahay | Pagkain

Para sa napakaraming mamamayang Piipino laluna sa mga anakpawis, kongkreto ang mukha ng papatinding krisis pang-ekonomiya na humahagupit sa buong daigdig sa kasalukuyan. Malawakang tanggalan, mababang sahod, pangangamkam ng mga lupain, at kawalan ng pagkain sa mesa ang palagiang kinakaharap ng ating mga kababayan. Samantala, patuloy na nabubusog ang mga dahuyang kapitalista at lokal na naghaharing uri sa yamang pinaghirapan ng mamamayan – may krisis man o wala.

Dagdag pa rito ang paghagupit ng sunud-sunod na bagyo kamakailan, na nag-iwan ng matinding pagkawasak ng mga bahayan at kabuhayan sa Kamaynilaan at sa probinsya bunga na rin ng kapabayaan ng gobyernong Arroyo. Malinaw na nalantad ang kawalan ng sapat na serbisyong panlipunan para sa mamamayan: daang libong pamilya na walang disente at sariling bahay, kapos na badyet para sa kalamidad, kawalan ng direktang tulong sa mga manggagawa at mababang kalidad ng serbisyong pangkalusugan. Samantala, mga huwad na patakaran tungo umano sa “rekoberi” ang tanging inialok ng gobyerno.

Sa harap ng kambal na dagok ng krisis at kalamidad, naging malinaw ang kainutilan ng gobyernong Arroyo at ang mga hakbangin nito para lalo pang ilubog sa kumunoy ng kahirapan ang mga maralita. Kaya naman mahalaga ang inisyatiba at sama-samang paglaban ng mamamayan para ipanawagan ang disenteng kabuhayan at katarungang panlipunan. Makatwiran na igiit ang mga batayang karapatan at pangangailangan natin bilang bahagi ng mas nakararaming patuloy na pinapahirapan ng baluktot na sistemang panlipunan.

Hindi natin hihintayin na umaksyon ang gobyerno upang tapusin ang delubyo na ating dinaranas – tayo mismo ang tatapos sa patuloy na pagbayo ng krisis pang-ekonomiya at epekto ng kalamidad. Tanging tayong masang anakpawis lamang ang may kakahayan na gawin ito.

Kabuhayan at Katarungang Panlipunan, Ipaglaban!

Campaign Updates