Media blitz ng TUCP-DOLE sa dagdag-sahod, gasgas nang palabas -- KMU

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog. KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

Tinuligsa ngayong araw ng militanteng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno ang “gasgas nang palabas” ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at Department of Labor and Employment (DOLE) tungkol sa petisyon para sa P75 dagdag-sahod sa NCR. Ayon dito, isa itong “media blitz” na ang layunin ay makakuha ng “pogi points” ang sentrong unyong suportado ng mga negosyante at ang gobyernong Arroyo – nang hindi naman talaga tinutugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa sa bansa.

Nagsampa ng petisyon ang TUCP noong Marso 1 sa Metro Manila Wage Board para sa mapanlinlang nitong tinawag na “across-the-board” na P75 dagdag-sahod. Samantala, bagamat iginigiit ng DOLE na ang cost of living allowances at mga non-wage benefits ng mga manggagawa ang pwedeng dagdagan, nangako na itong pag-aaralan ang panukala ng TUCP.

“Gasgas nang palabas iyan. Ilang taon na nilang ipinapakita iyan. Magsasampa ang TUCP ng petisyon sa mga regional wage boards. Pagkatapos, tataasan ng DOLE ang cost of living allowances o non-wage benefits ng mga manggagawa, o hindi ito kikibot. Alinman sa dalawa, ang mga manggagawang Pilipino ang talo,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, chairperson ng KMU.

“Ngayong taon, may espesyal silang adyenda. Desperadong naghahabol ang gobyernong Arroyo na pabanguhin ang mabahong pangalan nito. Tumatakbo namang muli ang TUCP sa halalang partylist, matapos matalo nang ilang ulit. Iyan ang dahilan kung bakit mas malaki ang hinihingi nitong dagdag-sahod ngayon at bakit mas matindi ang media blitz.”

“Hindi rin kataka-takang naglalabas ngayon ang Philippine Information Agency, na ahensya ng gobyerno, ng paborableng mga pahayag tungkol sa petisyon ng TUCP. Ganyan kalinaw ang koneksyon nila,” dagdag ni Labog.

Ayon pa sa KMU, ang napakalimitadong panawagan ng TUCP para sa P75 dagdag-sahod sa Metro Manila – at P75 dagdag-sahod sa Davao nitong huli – ay taliwas din sa batayan ng panukala nito, na tumataas ang mga presyo ng mga batayang bilihin.

“Ipinapakita ng panukala ng TUCP ang makitid na pag-unawa nito sa sitwasyon ng mga manggagawa sa bansa, gayundin ang makasarili nitong interes. Hindi lang sa Metro Manila at Davao tumataas ang mga presyo. Ang totoo, sumisirit ang mga presyo sa buong bansa. Bakit dagdag-sahod sa dalawang rehiyon lang sa halip na sa buong bansa?” tanong ni Labog.

“Malinaw na gusto lang nitong makakuha ng atensyon ng midya para mapahusay ang tsansang manalo, sa wakas, sa halalang partylist ngayong taon,” dagdag ni Labog.

Sinabi rin ng lider-manggagawa na mayroong trend sa huling mga “dagdag-sahod” na ibinigay ng mga regional wage boards: hindi ang batayang sahod ang dinadagdagan, kundi ang cost of living allowances at non-wage benefits. Dahil hindi mangangahulugan ang pagtaas ng mga ito ng pagtaas ng overtime pay at mga bonus, ibinibigay ang mga ito ng DOLE tuwing may panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod.

“Kaya nga masamang palabas ito, at ang mga manggagawang Pilipino na naman ang kinakawawa. Kailangan ng mga manggagawang Pilipino ang isinabatas na P125 dagdag-sahod across the board. Pero biglang eentra ang sabwatang TUCP at DOLE para bigyan kami ng napakaliit na dagdag sa cost of living allowances at non-wage benefits – habang todo-todong lumalabas ito sa midya,” sabi ni Labog.

 

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>
  • Potentially problem-causing HTML tags are filtered.

More information about formatting options

AddThis

add this