125 bago ang Hunyo 30: P125 dagdag-sahod, hinirit ng KMU, Anakpawis sa mga presidentiable

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog. KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

“Ipatupad ang P125-dagdag sahod sa buong bansa,” ito ang pinalutang na hamon ng Kilusang Mayo Uno at Anakpawis Partylist sa mga presidentiable 125 araw bago ang Hunyo 30, kung saan manunumpa ang susunod na presidente ng bansa.

Sinabi ng KMU at Anakpawis na walang-awang pinagkait ni Gloria Arroyo ang signipikanteng dagdag-sahod sa mga manggagawa sa loob ng siyam na taong panunungkulan gamit ang mga regional wage board, na nagpatak lamang ng barya-barya at kalat-kalat na dagdag-sahod.

“Hindi binigyang-pansin ng rehimeng Arroyo ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin samantalang tinitiyak na nakapako ang sahod ng mga manggagawa. Kaya naman lubhang kailangan namin ngayon ng P125 na legislated na dagdag-sahod sa buong bansa para maibsan nang kahit konti ang sikmura,” ani Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

“Abala ang mga kandidato sa pagkapangulo sa pagkausap sa mga negosyante at pagpangako sa kanila, pero wala pa rin silang kongkretong ipinapangako sa mga manggagawa at mamamayan. Kung kaming manggagawa ang tatangunin, P125 na dagdag-sahod ang isa sa mga pangunahin namin ihihirit,” dagdag ni Labog.

Nagtataasang presyo, nakapakong sweldo

Batay sa datos ng gobyerno, kinumpara ng KMU ang presyo ng mga bilihin noong 2001 sa kasalukuyan. Noong 2001, nasa P18 lang ang kilo ng regular-milled na bigas, ngayon, nasa P30-40 na. Noong 2001, ang nasa P12 kada litro ang presyo ng diesel, ngayon nasa P34 na. Kung noong 2001 ay P192 lamang ang presyo ng 11-kilo na LPG, ngayon ay nasa P630 na.

Sinabi naman ng Anakpawis ang pagtaas sa minimum na sahod sa NCR halimbawa mula P250 noong 2001 tungong P382 ay malayong malayo sa kailangan ng mga pamilya. Sa kasalukuyan, nasa P917 na ang halagang kailangan ng isang pamilya sa isang araw.

“Malinaw na hindi nakasabay ang aming sahod sa pagsirit ng presyo. Kung may naging pagtaas man, karamihan sa mga ito ay hindi tataas sa P10 na dagdag-sahod. Kumbaga, limos lamang ito sa mga manggagawang nagpapakahirap,” ani Labog.

“Ang laban namin para sa P125 dagdag-sahod ay hindi lamang laban para sa pang-ekonomiyang kaginhawaan. Ito ay laban para gawing mas makatao ang aming kalagayan, kaming mga nag-aambag ng lakas para paandarin ang ekonomiya. Laban ito para igiit ang panlipunang katarungan,” dagdag ni Labog. #

 

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>
  • Potentially problem-causing HTML tags are filtered.

More information about formatting options

AddThis

add this