Date:
24 January 2010Reference Person:
Elmer "Bong" Labog, KMU ChairpersonContact information:
0929-629-3234KMU kay Noynoy: Sa bayan dapat magpasalamat
Sa ika-23 anibersaryo ng Mendiola Massacre, na pumatay sa 13 magbubukid na nagmartsa sa Mendiola para maggiit ng tunay na reporma sa lupa, nanawagan si Satur Ocampo, progresibong mambabatas kay Sen. Noynoy Aquino, presidentiable, na kilalanin ang pagkabigo ng programa sa reporma sa lupa ni dating Pangulong Cory Aquino at “gumawa nang higit pa” sa nagawa ng nanay niya sa isyu.
Agad sumagot si Sen. Aquino: “Sa lahat ng tao, si Satur ang hindi dapat magsabing bigo ang nanay ko. Ang kalayaang magpahayag na isinasabuhay niya at ang kalayaang ibinigay sa lahat ng bilanggong pulitikal sa ilalim ni Marcos, utang niya sa nanay ko. Iyun ba ang bigo?”
Ang pwede lang pagmulan ng mga pahayag ni Sen. Aquino ay ang maling pag-unawa sa kasaysayan, at ang pagkabigong kilalanin ang papel ng sambayanang Pilipino sa paglikha ng kasaysayan.
Noong ibinalik ni dating Pangulong Aquino ang kalayaang magpahayag at noong pinalaya niya ang mga bilanggong pulitikal, tinutupad lang niya ang mga pangako niya sa sambayanan – na siyang dahilan ng pagiging pangulo niya. Nagsilbi lang siyang lagusan ng kagustuhan ng sambayanan. Binigyan siya ng kapangyarihan ng sambayanan pero nasa sambayanan ang tunay na kapangyarihan.
Ang sambayanang Pilipino ang tuluy-tuloy na lumaban sa diktadurang Marcos kahit noong bago paslangin si Sen. Ninoy Aquino noong 1983, at bago ang deklarasyon ng batas militar noong 1972. Ang sambayanang Pilipino ang nagpatalsik kay Marcos, at naggiit na ibalik ang kalayaang magpahayag at palayain ang mga bilanggong pulitikal.
Bagamat dapat kilalanin si dating Pang. Aquino para sa pagbabalik ng mga kalayaang ito, ang pinakamalaking pagkilala ay dapat ibigay sa sambayanang Pilipino. Kahit si dating Pang. Aquino, ganito ang sinabi at kung buhay lang siya ngayon, tiyak na ikakahiya niya ang pahayag na ito ng anak niya.
Ipinapakita ng pahayag ni Sen. Aquino ang kawalan ng pag-unawa sa papel ng Kaliwa sa paglaban sa diktadurang Marcos.
Dapat ding paalalahanan si Sen. Aquino na ang Kaliwa, kung saan kabilang si Rep. Ocampo, ay mahalaga ang papel sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa sambayanan laban sa diktadurang Marcos. Hindi lang naupo si Rep. Ocampo at naghintay na bigyan ng kalayaan ng bagong presidente. Itinaya niya ang buhay niya at isinuko niya ang komportableng buhay sa paglaban sa diktadurang Marcos.
Gustong i-blackmail ng pahayag ni Sen. Aquino ang Kaliwa at iba pang taong kritikal para manahimik tungkol sa rekord ni dating Pang. Aquino sa gobyerno.
Ano ang gustong palabasin ni Sen. Aquino? Na hindi pwedeng tuligsain ng Kaliwa at ibang tao ang rekord sa gobyerno ng nanay niya dahil pagiging inggrato ito sa anumang kalayaang ibinalik ni dating Pang. Aquino? Napaka-personal na pagharap ito sa isang mahalagang isyung ihinahapag ng Kaliwa at ng ibang tao. Wala tayong kakahantungan diyan – at lalong hindi sa tunay na pagbabago.
Ipinapakita ng pahayag ni Sen. Aquino ang pagkabigo niyang kilalanin ang kalagayan ng mga magsasakang Pilipino.
Kung ibabatay sa kasalukuyang lagay ng mga magsasakang Pilipino – na nananatiling walang lupa, pinagsasamantalahan ng mga panginoong maylupa at dinadahas ng gobyerno – walang ibang paglalarawan sa programa sa reporma sa lupa ni dating Pang. Aquino kundi palpak. Sa pag-iwas sa isyu, sa pamamagitan ng pagsasabing hindi nagpapasalamat ang mga tao sa kanyang ina, ipinapakita ni Sen. Aquino ang pagkabigo niyang unawain ang sitwasyon ng mga magsasakang Pilipino.
Babala ang pahayag ni Sen. Aquino na walang tunay na pagbabagong darating sa mga magsasakang Pilipino kung mananalo siyang presidente.
Kailangan ang matapat na pag-aaral sa rekord ng mga nagdaang pangulo sa reporma sa lupa para talagang mapaunlad ang programa. Batay sa pahayag niya, hindi kaya ni Aquino na obhetibong pag-aralan ang rekord ng nanay niya sa isyu. Nagluluwal lang ito ng mga pagdududa kung kaya ba niyang pahusayin ang programa para sa mga magbubukid o hindi.
Sawang-sawa na ang mga magsasaka, manggagawa at mamamayang Pilipino sa mga hungkag na pahayag tulad ng “ang gusto ko ay hindi lang paglilipat ng pag-aari, kundi pagbibigay-kapangyarihan sa mga mamamayan.” Narinig na namin iyan, sa mga presidente at pulitiko na gustong magmukhang maka-magsasaka at mama-mamamayan pero sa aktwal ay nagsulong lang ng interes ng uring panginoong maylupa na kinabibilangan nila.
Siguro, pumapasok na sa ulo ni Sen. Aquino ang pangunguna niya sa mga survey. Ang dapat pumasok sa kukote niya, gayunman, ay ang mga leksyon ng kasaysayan – na magmumula lang sa matapat at mapagkumbabang pag-aaral dito.



